Thursday, August 7, 2014

May Pag-asa ba ang Laguna de Bay?

Higit na hindi naiintindihan ng ating mga mamamayan ang importansya ng lawang ito. Ang iilan sa mga tao sa kapaligiran nito ay nakatitig lamang na tila walang pakialam o walang alam sa kondisyon nito ngayon.

Ang Laguna de Bay ay ang pinakamalaking lawa sa Pilipinas. Ito ay matatagpuan sa silangan ng Kalakhang Maynila, hilaga ng Laguna at Timog ng mga probinsya ng Rizal. Ito ay may itsurang tila letrang “w”. Karamihan sa mga pinagkukunan ng ating mga isda ay nagmumula rito.

Maraming kababayan ang nakaasa ang kanilang hanapbuhay sa lawang ito. Simula sa mga mangingisda, hanggang sa mga kargador at tindera sa mga palengke ay kinukuha sa Laguna de Bay ang salapi at pagkain nila. Sa sitwasyong ito, may ekonomiyang maaapektuhan. Mikroekonomiks nito ay ang pangunahing merkado sa paligid. At kung lalawakan pa natin, maaapektuhan ang presyo ng isda sa mga kalapit na probinsyang kumukuha ng isda mula rito.

Malimit nating nalalaman na napakalaki ang papel ng lawang ito sa atin. May dalawampu’t isang (21) mga ilog ang umaambag sa mga tubig nito. Ito ay likas na dike ng tubig kung saan malaking nagagawa upang iwasan ang mga pagbaha sa maraming lugar. Kapag mataas ang lebel ng tubig sa ilog Pasig, idinidirekta ng Manggahan Floodway ang tubig papunta sa lawa. At idinidirekta naman papunta sa Manila Bay ang tubig kung mataas ang lebel ng tubig sa Laguna de Bay. Pinagkukunan din ng Kalayaan Pumped Storage Power Plant ng tubig upang makagawa ng kuryente.

Ayon sa mga pag-aaral ng Laguna Lake Development Authority (LLDA), naging isang malaking “septic tank” na raw ang lawa.

Pitumpu’t walong porsyento ng polusyon nito ay maisasangkot ang lokal na dumi mula sa mahigit na 25 000 na “informal settlers” at mga nagtitinda ng isda sa paligid nito.

Delikado ang tubig nito na napagkakitaan ng kontaminasyon na lalung-lalo na galling sa pagdudumi ng katawan ng mga tao.

Ang mga industriya sa paligid nito ay walang karampatang “waste facilities” kung saan ito ay tinutugis na ng mga opisyal dahil ito ay isang malaking pangangailangan ng batas upang makapagsagawa ng kani-kanilang operasyon ang mga negosyong ito.

Dahil sa mataas na populasyong ng mga isdang mataas ang halaga tulad ng tilapia, bangus at hito, naging atraksyon na ito sa mga mangingisdang magtayo ng “fishpens”. Ayon sa mga awtoridad, hindi naman nakasasama na magkaroon ng fishpen sa isang lawa. Ngunit sa panahon ngayon, nasasakal ang lawa sa mahigit 60 000 ektaryang fishpen (lagpas sa kalahati ng pang-ibabaw na sukat ng lawa. Malaking lagpas sa 9 000 na ektaryang pinapayagan lamang ng batas. Karamihan kase ay mga ilegal na operasyon ng pangingisda.

Isa rin sa mga problema ng Laguna de Bay ay ang mataas na bilang ng “Janitor Fish. Dahil sa malawakang polusyon sa lawa, nabubuhay ng matiwasay ang mga janitor fish dito. Inuubos ng mga ito ang mga “algae” na siyang pagkain ng ibang mga isda. At nasisira ng mga palikpik nito ang mga lambat ng mga mangingisda.

Sa kasulukuyan, ginagawa ng pamahalaang pamprobinsya ang kanilang makakaya upang tugunan ang iilan sa napakaraming problema ng Laguna de Bay. Sa sawing palad, ang mga problemang ito ay maiuugat sa ating mga mamamayan, mula sa pagdudumi ng ilog at pagtatapon ng mga basura sa hindi nararapat. Kailangan nating pahalagahan ito dahil malaking tulong ito upang maiwasan ang mga pagbabaha sa Metro Manila at ito ang pangunahing pinagkukunan ng ating mga isda.

Kung iuugnay sa ekonomiks, napakalaking epekto ang pagkakamatay ng mga isda rito. Sa isang “fishkill” na naganap noong Mayo 2012, agarang tumaas ang presyo ng mga isda noon. May iilan din ang nagkasakit dahil sa isdang nakain. At maraming tao ang nahintuan ng hanapbuhay pansamantala. Marami rin ang nagambala sa mga isdang nagmula rito.


1 comment: